Libre na sa buwis!
Ni Rudy Andal
Wednesday, June 18, 2008
Nilagdaan na kahapon ni Pangulong Arroyo upang maging ganap na batas ang panukalang Tax Relief for Minimum Wage Earners na magkakaloob ng libreng buwis sa mga manggagawang sumasahod lamang ng minimum.
Sinabi ni Pangulong Arroyo na ang Republic Act 9504 ay mag-aamyenda sa ilang sections ng National Internal Revenue Code of 1997. Sa ilalim nito ay hindi na kakaltasan ng tax ang sahod o income tax ng mga minimum wage earners bukod sa tinaasan din ang personal exemptions para sa ibang mga empleyado.
Hindi na rin bubuwisan ang holiday pay, hazard pay, overtime pay, at maging ang nightshift differential pay.
Exempted din sa pagbabayad ng income tax ang mga empleyado ng gobyerno na ang salary grades ay 1 hanggang 3.
Tinaasan din ang tax exemption ng mga single mula sa dating P20,000 ay ginawang P50,000; ang head of the family mula P25,000 sa P50,000; at married na dating P32,000 sa P50,000.
Layon ng batas na mapalaki ang take home pay ng mga ordinaryong manggagawa sa gitna ng patuloy na pagmahal ng mga pangunahing bilihin. Nangangahulugan ito ng karagdagang P30 sa arawang kita o P750 a month na dagdag sa kanilang maiuuwing suweldo.
Halos 87 porsiyento umano ng mga manggagawa sa bansa ay sumasahod lamang ng minimum.
Magiging epektibo ang batas,15 araw matapos malathala sa mga pahayagan.
Kabilang sa mga sumaksi sa paglagda ni PGMA para maging ganap ang nasabing panukala sina Sen. Mar Roxas, Sen. Francis Escudero, Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Ramon Revilla Jr. at House Speaker Prospero Nograles